Inanunsyo ng Philippine Sports Commission na magbibigay ito ng karagdagang travel allowance sa bawat isang Pinoy para athletes na lalahok sa 2020 Tokyo Summer Paralympics.
Sinabi ng PSC sa isang pahayag na aabot sa P100,000 na karagdagang allowance ang ibibigay sa bawat atleta, kanilang mga coach, at iba pang mga opisyal.
Ayon sa PSC, dahilan ito para umakyat sa P150,000 ang kanilang kabuoang allowance para sa torneyo na nakatakdang ganapin sa August 25 hanggang Spetember 5.

Kaugnay nito ay hiniling naman ni PSC chairman William “Butch” Ramirez kay Chef de Mission Francis Diaz na himukin ang mga kasamahan nito mula sa University of the Philippines na tulungan ang mga atleta na maghanda mentally at psychologically.
Iginiit ni Ramirez na gumagana ang ganitong klase ng formula kung titingnan ang napagtagumpayan ng Philippine team sa katatapos lamang na Tokyo Olympics kung saan ay nakasungkit ng medalya ang apat na Pilipino.