CATANDUANES—Lusot na sa Committee on Health ang panukalang batas na nagsusulong sa konstruksiyon ng 100-bed capacity hospital sa bayan ng Caramoran, Catanduanes.
Oras na maisabatas ang House Bill 8262, mabibigyan ng katuparan ang pagtatayo ng ‘Caramoran Medical Center’ na malaki ang maitutulong sa mga residente sa lugar na matagal nang pino-problema ang pagkakaroon ng access sa mga serbisyong medikal.
Kinakailangan pa kase umanong magpunta ng mga ito sa mga ospital na matatagpuan sa Virac at San Andres na lubhang malayo ang distansya.
Ang bayan ng Caramoran ang isa sa mga munisipalidad sa Catanduanes na may pinakamaraming populasyon ngunit malayo sa kasentrohan kaya pahirapan ang pagpapagamot ng mga nagkakasakit na mahihirap na residente.
Bagaman pumasa na sa committee level ay dadaan pa ito sa masusing pag-aaral at pagbusisi ng Committee on Ways and Means bago itaas sa plenaryo para sa 2nd at 3rd final reading
Kung sakali man na maaprubahan na ang konstruksiyon nito, isasailalim sa pamamahala ng Department of Health at ng LGU ang operasyon ng nasabing pampublikong ospital.###