CATANDUANES— Matapos na makapagtala ng 20 kaso ng COVID-19 nitong nakaraang araw ang Brgy. Bislig sa bayan ng San Andres, Catanduanes, napagkasunduan ng Municipal IMT na isailalim sa Enhance Community Quarantine ang nasabing barangay.
Sa isinagawang meeting ng IATF, napagpasyahan ng mga ito na tanging isang miyembro lamang ng pamilya ang pahihintulutang lumabas ng kanilang bahay, upang bumili ng kanilang pangangailangan.
Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang mass gatherings o mga pagtitipon gaya ng inuman, birthday parties at iba pang mga ‘super spreader events’ na pwedeng maging sanhi ng hawaan.
Bilang dagdag na hakbang, isinailalim na rin sa isolation ang 20 mga nag positibo sa Bislig Elementary School kasama ang tatlo pang naunang nag positibo at limang nag positibo rin sa antigen test ngunit hinhintay pa ang resulta ng kanilang swab test.
Samantala, inihayag naman ng alkalde ng bayan na si Mayor Peter Cua, na nagsimula lamang ang impeksyon ng sakit nitong nakaraang linggo mula sa isang indibidwal hanggang sa nagkahawaan na pati ang mga kapamilya nito at maging ang mga kapitbahay.
Tatagal ng dalawang linggo ang ipinatupad na lockdown mula sa nasabing barangay kung saan nasa 23 ang nananatiling aktibong kaso ng sakit.###