Naniniwala si Senator Richard Gordon na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na maghamon ng constitutional crisis para lang protektahan ang mga kurap.
Inihayag ito ni Gordon matapos iutos ng Pangulo sa mga miyembro ng executive branch na balewalain ang mga summons ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga iregularidad ng mga kontrata na pinasok ng gobyerno kasama ang Pharmally Pharmaceuticals.

Iginiit ni Gordon sa isang tweet na “catasthrophic” para sa ating bansa na handa ang isang Pangulo na maghamon ng constitutional crisis para lang protektahan ang mga tao na nagpayaman gamit ang pera ng taongbayan.
Binigyang diin ni Gordon na maraming paliwanag na kailangan gawin ang Pangulo sa mga tao na nagbigay rito ng tiwala at sa iba pa na nawawalan na ng pag-asa.
Sa ngayon ay wala pang komento ang Malakanyang sa sinabi ni Gordon.