CAMARINES NORTE- Pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Jose Panganiban sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang panghuhuli sa mga pagala- galang aso sa kalsada.
Regular itong ginagawa kada linggo upang maiwasang makakagat ang mga pagala- galang aso o maging dahilan pa ng aksidente sa kalsada.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni OIC- MAO Christine De Leon na kada linggo ay mayroong naka-schedule na barangay na pinupuntahan ng dog patrol task force para manghuli ng mga pagala- galang aso.
“May barangay po kaming naka- schedule every week na kung saan po yung stray dogs ay hinuhuli po natin upang mabawasan po ang insidente ng nakakagat at yung aksidente pong idinudulot nitong galang aso,” ani De Leon.
Dinadala ang mga mahuhuling aso sa kanilang impounding area.

Binibigyan ng tatlong araw ang may ari na tubusin ang kanilang alagang aso at kung hindi na matubos ay pinapatay na ito sa pamamagitan ng injection.
Ayon kay de Leon nakikipag ugnayan sila sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at sinisigurong hindi nalalabag ang animal welfare act sa paraan ng pagpatay sa mga asong hindi na natutubos ng may ari.
Alinsunod sa umiiral na Municipal Ordinance multang mula P500 hanggang P1,000 ang ipinapataw sa mga magpapabaya sa kanilang mga alaga.
Sa September 28 ay ipagdiriwang ang World Rabies Day na nagsimula pa noong 2007.
Layon nitong lumikha ng kamalayan patungkol sa prevention and control ng rabies na nagdudulot ng pagkamatay.
