BNFM BICOL—Isinusulong ngayon ng Incident Management Team sa lalawigan ng Catanduanes ang pagkakaroon ng One Hospital Command Center.
Nabuksan ang naturang usapin sa isinagawang pagpupulong ng task force sa kapitolyo kasama ang mga health officials sa probinsya.
Ayon kay Provincial IMT Chief Dr. Angel Albert Lamban, kailangang ma i-activate ang pagkakaroon ng One Hospital Command Center (OHCC) sa mga pagamutan sa lalawigan bilang bahagi ng aksyon sa patuloy na pagdami ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lugar.
Sa naturang command center, kinakailangan ng mga ospital na magbigay at mag update ng kasalukuyang estado ng kanilang pagamutan, partikular ang sitwasyon sa COVID wards; COVID beds at maging ang bilang ng mga ventilators.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes na dapat na ipasunod province wide ang OHCC, at bigyan ng sanctions ang mga ospital na hindi tatalima at regular na makakapagbigay ng mga hinihinging datus.
Dagdag pa nito, malaking tulong kung maisasakatuparan ang pagkakaroon ng One Hospital Command Center sa isla, dahil ito umano ang magsisilbing susi sa pagkakaroon ng mas organisado at komprehensibong COVID response ng pamahalaan at ng health department sa Catanduanes.###
