BNFM BICOL—Binigyang linaw ng pamunuan ng Eastern Bicol Medical Center sa lalawigan ng Catanduanes ang hinggil sa naiulat na insidente hinggil sa pansamantala nitong hindi pagtanggap, ng mga pasyenteng nangangailangan ng oxygen support nitong nagdaang araw.
Sa isang panayam, inihayag ni EBMC Chief Dr. Vietrez Abella na ito ay dahil sa na-atrasong pag de-deliver ng oxygen ng kanilang supplier mula pa sa mainland bicol patungo sa islang lalawigan.
Ayon kay Abella, na delay ang pagbiyahe ng truck na naglalaman ng kanilang mga inorder na oxygen tanks dahil sa mahabang pila sa barko, lalo na at mula pa ito sa Camarines Sur.
Simula kase umano ng magkaroon ng pandemya, ang dating 30 tanks per day consumption ng ospital ay umabot sa 80 tanks per day, bunsod ng mataas na demand sa dami ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 at kinakailangan ng oxygen support.
Limitado rin umano ang kapasidad ng pagamutan na magdagdag ng karagdagang tangke lalo na at hindi rin ito madaling bilhin at medyo may kamahalan rin.
Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na hindi naman umabot sa puntong mayroon na silang pasyente na naghingalo dahil sa kawalan ng oxygen subalit nag desisyon lamang silang hindi muna tumanggap ng mga pasyenteng mangangailangan nito, upang hindi rin umano mailagay sa alanganin ang buhay ng mga pasyente.
Sa ngayon, dumating na sa ospital ang panibagong supply ng oxygen kaya’t muli na silang tumatanggap ng mga pasyenteng mangangailangan ng nasabing medical equipment.###