Mag-iisang taon na ang nakararaan nang maiulat na nawawala ang beauty queen na si Catherine Camilon – patuloy na umaasa ang kanyang pamilya na uuwe siya ng buhay.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Kampo Crame sa ina ni Catherine na si Rose, umaasa silang magsasabi ng katotohanan si dating Police Major Allan De Castro at Jeffrey Magpantay kung ano ang kanilang ginawa kay Catherine at nasaan ito.
Si de Castro at Magpantay ay naaresto sa Balayan Batangas noong September 14 sa bisa ng Warrant of Arrest Batangas Regional Trial Court branch 3 dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention kay Camilon.
Maaalalang positibong itinuro ng pamilya Camilon si de Castro na siyang nobyo umano ni Catherine at ito rin ang huling tao na nakasama nito sa bayan ng Lemery noong Oktubre 12 ng nakalipas na taon.
Una na ring sinibak sa serbisyo si de Castro nitong Enero ng taong kasalukuyan dahil sa usapin ng moralidad nang makipagrelasyon ito kay Camilon sa kabila ng pagkakaroon na nito ng asawa.
Samantala, ayon sa PNP, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanap kay Catherine ngunit aminadong lumiliit na ang tiyansang buhay pa ito.