Kung hindi kayang atupagin ng Department of Health (DOH) ang pamamahagi ng special risk allowance (SRA) at iba pang mga benepisyo sa mga healthcare workers sa bansa, maaari umanong ipaasikaso ito sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ang sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kasunod ng mga ulat na marami pa ring medical workers sa Pilipinas ang hindi nabibigyan ng DOH ng SRA.
Ayon sa Senador, maayos ang pamimigay ng ayuda at benepisyo ng DOLE sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng pandemya kung kaya’t maaari aniyang ang ahensya na rin ang humawak ng budget para sa benepisyo ng mga healthcare workers.
Sinabi ng mambabatas, imumungkahi niya itong ikonsidera kapag sumalang na sa Senado ang panukalang budget ng gobyerno para sa taong 2022.
Tiyak naman aniya na bibigyan muli ng Kongreso ng sapat na budget para sa mga benepisyo ng mga health workers dahil sa nagpapatuloy pa ang covid-19 pandemic. // MHEL PACIA-TRINIDAD
