Dumipensa ngayon ang Malakanyang sa naging biyahe ni Pangulong Ferdinand sa Singapore para manood ng Formula 1 Grand Prix.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz Angeles taliwas sa mga puna sa Pangulo na nagliliwaliw ito habang nasa gitna ng krisis ang bansa, isa umanong official business trip ang Singapore visit nitong weekend.
Dagdag pa ni Angeles naging produktibo ang biyaheng ito ng Pangulo kung saan pinagpatibay nito ang mga pangunahing usapan sa huling state visit noong nakaraang buwan.
Sinamantala rin umano ni Pangulong Marcos ang patuloy na paghihikayat sa paglalagak ng puhunan ng mga negosyante doon para sa Pilipinas.
Batay naman sa facebook post ni Singapore Manpower Minister Tan See Leng naging sidelines ng car race ang bilateral economic relationships at pagpapalakas sa energy cooperation ng mga head of states na dumalo sa naturang event.
Walang masama – Majority Leader Dalipe
Walang nakikitang masama at problema si House Majority Leader Manuel Jose Dalipe sa pagtungo ni Marcos Jr. sa Singapore.
Sa isang panayam, binigyang diin ng mambabatas na hindi lamang naman si Pangulong Marcos ang imbitado sa event kundi maging ang iba pang lider mula sa mga bansa sa Southeast Asia.
Ayon sa majority leader ng mababang kapulungan, hindi naman talaga maiiwasan na maimbitahan si Pangulong Marcos sa mga ganitong uri ng event lalo na’t kung pagbabatayan aniya ang political landscape ng timog silangang asya, si Pangulong Marcos ang tumatayong lider sa rehiyon.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa gitna ng pambabatikos ng ilang indibidwal at grupo sa Pangulo ukol sa paglahok sa event.
Paliwanag ng Palasyo, ‘di ubra kay Nato Reyes
Hindi umubra kay Bayan secretary general ka-Nato Reyes ang naging depensa ng Palasyo hinggil sa kontrobersyal na pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa Singapore para dumalo sa Formula 1 Grand Prix event.
Sa isang panayam, kinuwestyon ni Reyes kung bakit nanahimik na muna ang Palasyo sa isyu.
Aniya, kung isa talaga itong ‘official trip’ – hindi hihintayin ng Palasyo na ma-bash na muna ng publiko bago maglabas ng paliwanag.
Binigyang diin ni Reyes na hindi napapanahon ang pagpunta ni Marcos sa racing event lalo na’t nahaharap sa krisis ang bansa, paglobo ng utang ng Gobyerno, at ang pinsalang iniwan ng bagyo.
Hindi raw katanggap-tanggap na mala-party ang ginawa ni Marcos lalo na kung pera ng taxpayers ang ipinambayad sa kanilang acommodation at ng mga kaibigang kasama sa Singapore.
Samantala, sa panig naman ng Makabayan bloc, sinabi ni Gabriela party-list Representative Arlene Brosas na ang luxurious o maluhong byahe ng Presidente ay masasabing kawalan ng simpatya sa mga naghihirap na mga Pilipino sa gitna ng matinding epekto ng nagdaang Bagyong Karding sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Banat ni Brosas kay Marcos, buti pa raw ang Pangulo may budget para sa mga ganitong bagay samantalang maraming mga Pilipino ngayon ang hindi na alam ang gagawin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
#




