Naniniwala ang Philippine National Police na nabahiran ang kanilang integridad sa pagtawag ni dating Albuera, Leyte at Ozamiz City Police Chief Col. Jovie Espenido sa PNP na isang’biggest crime group’
Binanggit ito ni Espenido sa pagdinig ng House Quad Committee kahapon kaugnay sa extra-judicial killing na may kinalaman sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay PNP Public Information Office Col. Jean Fajardo, maraming pulis ang tapat at seryoso sa kanilang tungkulin , mayroon din mga nagbuwis ng kanilang buhay kaya nalulungkot sila na marinig mismo ito sa isang miyembro ng PNP.
Sa kabila nito, magsisilbi aniya itong challenge sa buong organisasyon para mas lalong paigtingin ang kanilang trabaho.
Seryoso rin ang liderato ng PNP na malinis ang kanilang hanay at hindi kailanman kukunsintihin ang kamalian ng isang pulis.
Sa huli, nanawagan si Fajardo sa publiko na may “credible information” ukol sa anumang maling gawain sa kanilang hanay na lumapit at magbigay ng impormasyon upang maimbestigahan ito ng patas at alinsunod sa batas.