LEGAZPI CITY – Isinasapinal na ang pagtatatag ng Albay Sports Academy o ASA sa lalawigan kasunod ng nagpapatuloy na school board meeting sa pangunguna ng Provincial School Board. Ang Department of Education Albay ay nag-akda ng draft ng resolusyon na naglalayong humiling at mag-apela para sa financial sponsorship para sa pagtatatag ng ASA kasama ang paglalaan ng pondo rito.
Ang nasabing resolusyon ay inaprubahan ng Schools Division Office at mga miyembro ng PSB, kung saan ang PSB ay nagsisilbi rin bilang advisory committee sa Sangguniang Panlalawigan sa pagpapatupad ng mga aktibidad tungkol sa usaping pang-edukasyon.
Ayon sa SDO, ang tuluy-tuloy na gawain para maipatupad ang nasabing proyekto ay ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon alinsunod sa Section 98 at 99 ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991.