CAMARINES NORTE- Pinaghahandaan na sa lalawigan ng Camarines Norte ang posibleng maging epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Sa susunod na buwan ng Mayo ay inaasahang magpapalabas ang PAGASA ng El Niño Alert dahil sa patuloy na pagtindi ng init ng panahon sa bansa.
Sa ngayon ay nasa ilalim ang Pilipinas ng “El Niño watch” status na nangangahulugang mayroong 70 percent na ito ay mag uumpisa na sa susunod na mga buwan.
Sa isinagawang System Management Committee meeting kahapon, April 26 na dinaluhan ng mga Municipal Agriculturist, Irrigators Association at farmers, sinabi ni Raphy Belardo ng Office of the Provincial Agriculturist na nakikipag ugnayan na sila sa Department of Agriculture para paghandaan ang El Niño.
Inaasahan na umano ang pagbaba ng tubig ulan pero sa ngayon ay wala pa umanong “projection” kung gaano katagal mararanasan ang El Niño.
Hihiling umano ang OPAG sa mga Local Government Unit at National Irrigation Administration (NIA) nang early planting.
Sakali raw kasing tumama ang El Niño ay mayroon pa naman ngayong nararanasang kaunting ulan at hindi pa gaanong bababa ang tubig sa irigasyon kaya hindi rin masyadong mape-pwerwisyo ang mga pananim.
Kapag nag- early planting ay makakaani rin daw ng maaga at hindi na aabutin ng tag ulan at panahon ng mga bagyo.
Kaugnay nito ay hinimok ni Belardo ang mga magsasaka na gamitin na ang mga “early maturing” na binhi.
