CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office na importante pa rin ang pagsusuot ng face mask kahit hindi na ito mandatory.
Sa harap na rin yan ng inaasahang kaliwa’t kanang mass gathering ngayong summer season at semana santa.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco hindi na talaga maiiwasan ang malakihang pagtitipon sa ngayon dahil pinapayagan na ito pero kailangan pa rin ang ibayong pag- iingat.
Malaki pa rin umano ang proteksyong magagagawa ng facemask lalo’t nananatili pa rin ang banta ng COVID- 19.
Sa ngayon mandatory na lamang ang face mask sa mga ospital at iba pang health facilities gayundin sa public transport.
Muli rin nitong hinikayat ang mga wala pang bakuna na magpabakuna dahil mayroon pa umanong sapat na suplay nito.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 2 ang Camarines Norte dahil hindi pa ganap na naabot ang provincial target na bilang ng babakunahan lalo na sa senior citizen.
Ginawa ni Francisco ang pahayag sa gitna na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga turista sa iba’t- ibang tourist destinations.
