Ikinalugod ng mga leader sa Kamara ang makasaysayang military financing commitment ng Amerika sa Pilipinas na nagkakahalaga ng 500 million US Dollars na inaasahang magpapalakas sa defense capabilities at magpapatatag sa alyansa.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Deputy Speaker David Suarez na mahalaga ang commitment ng Estados Unidos lalo’t nalalapit na ang pagdaraos nito ng presidential elections sa Nobyembre.
Ang suporta ng Amerika sa Pilipinas anuman ang maging resulta ng halalan ay nagpapatibay aniya sa “iron-clad” relationship sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Suarez na ang mahalaga ay hindi dapat magbago ang paninindigan ng US para sa ating bansa.
Binanggit din nito ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa West Philippine Sea at pambansang soberanya na inihayag sa ikatlong State of the Nation Address.
Dagdag pa ng kongresista, nangangahulugan ito na suportado ng world leaders ang posisyon ni Marcos sa usapin ng soberanya.
Palalakasin umano ng military funding ang kakayahan ng Armed Forces at Philippine Coast Guard sa harap ng nagpapatuloy na tensyon sa WPS.