Inihayag ng pamunuan ng BFP Cauayan City na naging maagap ang kanilang pagresponde sa sumiklab na sunog kahapon na tumupok sa tatlong bahay sa Mabini St. Brgy District 1, Cauayan City.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Fire Chief Insp. Aristotle Atal, fire marshal ng BFP-Cauayan City, bandang alas-2:37 nang matanggap nila ang tawag kaugnay sa sunog sa harapan ng South Central School.
Dahil batid umano nila na magkakalapit ang mga bahay sa lugar kaya naman pinaresponde aniya ang lahat ng kanilang fire trucks.
Agad din umano siyang tumawag sa mga kasamahang volunteer fire brigade subalit nang makita na kailangan pa ng tubig kaya itinaas aniya ang sunog sa second alarm kung saan kailangang tawagin ang mga fire station sa karatig na munisipalidad.
Ayon sa kaniya, nasa walong fire trucks ang rumisponde sa naturang sunog. Maayos din aniya ang koordinasyon sa mga firefighter kaya naiwasang kumalat pa ang apoy sa mga katabing bahay.
Gayunman, dahil gawa umano sa light materials ang kabahayan kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Dagdag pa niya, hanggang dalawang beses kinailangang mag-refill ng tubig ang mga fire truck kaya hindi hinayaang magkulang ng tubig.
Samantala, dalawa naman ang naitalang nasugatan sa naganap na sunog na kinabibilangan ng isang border ng paupahan ni Mrs. Lolita Oliveros na sinasabing pinagmulan ng apoy at isa sa panig ng mga tumugong bumbero.
Nakita naman aniya sa pinangyarihan ng sunog ang mga nakaimbak na light material o mga madaling masunog na bagay katulad ng karton at uling.
Aminado naman si CINSP Atal na naging sagabal sa kanilang pagresponde ang makitid na daan kung saan nahirapang magmaniobra ang mga fire truck.