NAGA CITY—Pasanin ang Krus o pagsubok sa buhay.
Ito ang mensahe sa kaniyang Homiliya ni Most Rev. Rex Andrew Alarcon, Bishop Diocese of Daet sa isinagawang Pontifical Concelebrated Mass na kaniyang pinangunahan sa Plaza De Covarrubias, Old Shrine and Parish of Our Lady of Peñafrancia bago ang paglabas ng andas nina El Divino Rostro at Nuestra Señora De Peñafrancia papuntang Metropolitan Cathedral.
Aniya, dahil sa pandemya, marami ang nawalan ng mahal sa buhay, trabaho at hanapbuhay. Subalit ang mensaheng hatid ng Traslacion o paglalakbay ay dapat ding isabuhay ng mga deboto.
Sa pagpasan ng krus o paglalakbay sa buhay, ay maraming problema at pagsubok na maaaring kaharapin kaya dapat alalahanin ang tatlong baon na turo ng simbahan.
Ito ay ang pagbibigay at pananampalataya, pagbibigay at biyaya ng serbisyo at regalo ng debosyon. Kung ang tatlong ito ang baon ng bawat mananampalataya, aniya makakarating at makakarating din ang lahat sa kanilang patutunguhan ng matagumpay.