Bagamat hindi pa makakauwi ngayong araw, tiniyak ng Bureau of Immigration na inaasahang mabilis na maibabalik sa Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ay matapos siyang maaresto ng Indonesian authorities sa isang hotel sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia alas onse trenta ng gabi nitong September 3.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansinco, agad nilang ipinasa ang impormasyon ng pagkaka aaresto ni Guo sa Department of Justice at Office of the Executive Secretary.
Kapag dumating na sa bansa si Guo, sinabi ni BI Spokesperson Dana Sandoval na posibleng dalhin sa Immigration si Guo mula NAIA bago ilipat sa NBI, parehong proseso na ginawa kay Shiela Guo at Cassandra Li Ong.
Naniniwala ang immigration na sa pagbabalik ng dating alkalde sa bansa ay mabibigyang-linaw ang kanyang ilegal na pag-alis ng Pilipinas at para harapin ang kanyang iba’t ibang kaso.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang BI sa Indonesian Authorities.