CAMARINES NORTE- Papayagan na ngayong taon ang tradisyunal na pagpapahid ng abo sa noo sa Ash Wednesday na gagawin bukas, Marso 2, dalawang taon matapos na pansamantalang suspendihin ang tradisyong ito dahil sa COVID- 19 pandemic.
Batay ito sa guidelines na ipinalabas ng Episcopal Commission on Liturgy ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung saan nakapaloob ang mga rekomendasyon para sa Ash Wednesday at sa pagdiriwang ng Semana Santa.
Magiging option pa rin naman ang pagbudbod ng abo sa bumbunan kung nanaisin ng mananampalataya.
Gayuman, inanunsiyo ni Bishop Rex Andrew Alarcon noong Linggo na sa halip na ipahid ay gagawin pa rin sa Diyosesis ng Daet ang pagbubudbod ng abo sa bumbunan.
Tulad din ng nakagawian tuwing Ash Wednesday darating ang imahe ng Poong Nazareno ng Capalonga sa Holy Trinity Cathedral alas 11: 30 ng umaga at magkakaroon ng misa alas 12: 30 ng tanghali.
Alas tres ng hapon naman ay gagawin ang concelebrated Mass at pagkatapos ay magkakaroon ng Daan ng Krus sa Holy Trinity Cathedral.
Pagkatapos nito ay iikot ang imahe ng Poong Nazareno sa ilang parokya at ang huling destinasyon ay sa bayan ng Labo kung saan ito mananatili magdamag bago ibalik sa orihinal nitong tahanan sa Capalonga.
Wala namang nakikitang problema ang Provincial Health Office kung magsagawa man ng prusisyon ang simbahan basta’t masisiguro lang umanong nasusunod ang mimimum health standards.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco dapat siguruhin na nasusunod ang social distancing at nakasuot ng face mask.
Maaari rin umanong magsuot ng face shield ang mga kasama sa prusisyon kahit hindi ito mandatory sa ilalim ng kasalukuyang Alert Level.
“Kung mapanatili natin yung physical distancing, bakit hindi ano, ang importante lang niyan yung physical distancing, tapos yung wearing of mask, yung face mask ay dapat ma- practice po natin,” ani Francisco.
“Kung gusto niyo para kayo ay hindi matalsikan at sabi nga natin baga ang COVID- 19, kung paano tayo mahawaan ay through droplets ano, so kung meron kang face mask, meron kang face shield ay wala namang problema kung ikaw ay lalagyan sa noo.”
