CAMARINES NORTE- Dalawang insidente ng pananaksak ang nagnap sa bayan ng Talisay at Sta. Elena sa Camarines Norte
Ang unang insidente ay naganap dakong alas 10:00 ng umaga nitong Pebrero 27, 2022 sa Purok-1, Barangay San Francisco, Talisay, Camarines Norte kung saan isang babae ang bigla na lamang umatake at nanaksak.
Sa report ng pulisya, ang suspek ay kinilala sa alyas na m”Mina”,36 anyos, dalaga, walang trabaho at resident ng Purok-1, Barangay Sta Elena, Talisay, Camarines Norte.
Diumano ang nabanggit na suspek ay dating nagtatrabaho bilang yaya at ang naganap matapos na ito ay walang pahintulot na pumasok sa tahanan ng kanyang dating amo kung saan nadatnan nito ang biktimang si alyas “Melay”, 18 anyos at residente ng Purok-1, Barangay Catioan, Capalonga, Camarines Norte.
Hinanap umano ng suspek sa biktima ang kanyang dating amo ngunit pagsagot nitong “wala” ay doon na inatake ng suspek ang biktima gamit ang kutsilyo.
Napagalaman na ang biktima ay ang bagong yaya ng dating pinagtatrabahuhan ng suspek.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanang hintuturo nito at gitnang daliri at agad na dinala ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Talisay sa Camarines Norte Provincial Hospital para magamot.
Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng Talisay MPS sa lugar at inaresto ang suspek kasabay ng pagkumpiska ng kutsilyong ginamit nito sa pananaksak.
Samantala, ala una ng madaling araw naman nitong Pebrero 28, 2022, nang maganap ang insidente rin ng pananaksak sa Purok-4, Barangay Rizal, Sta Elena, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek na si alyas na “Kiko”, 21 anyos, binata at residente ng Purok-3, Barangay San Pedro, Sta Elena, Camarines Norte ay tatlong beses na inatake ng saksak ang biktimang kinilala naman sa alyas na “Vin”. 23 anyos, binata at residente ng Purok-4, Barangay San Lorenzo, Sta Elena, Camarines Norte.
Diumano, bago ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa habang nagmamaneho ng kani-kanilang motorsiklo na nagresulta sa pisikal na komprontasyon at naging dahilan ng pagkakatamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Agad na isinugod sa Rosary Virgin Hospital para magamot ang biktima matapos ang insidente samantala ang suspek ay inaresto ng rumespondeng pulis.
Sa kasalukuyan, ang mga suspek ay nasa pangangalaga na ng mga nasabing himpilan habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso ng mga biktima laban sa mga ito.
