Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Energy ang dahilan ng pagpalya ng ilang planta ng kuryente sa Luzon, dahilan kaya nag deklara ng red alert status ngayong araw sa Luzon grid ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ayon sa DOE na wala silang nakikitang problema sa transmission lines dahil natapos na ng NGCP ang malalaking proyekto nito, tulad ng Cebu-Negros Panay 230kilovolt backbone, Mindanao- Visayas interconnection project at Hermosa San Jose line.
Sa inisyal na paliwanag ni Dep’t of Energy ASec. Mario Marasigan, sinabi nitong biglaan ang pagpalya ng Pagbilao units 1 and 2.
Hindi raw ito mapasok agad-agad ng mga crew para inspeksyunin dahil kailangan pang palamigin ang system, pero posibleng dulot ito ng tumagas na boiler tube.
Ayon kay Marasigan ang ganitong mga pangyayari sa mga power generation plant ay maituturing na outside management control o wala sa control ng power plant operator ang sitwasyon.
Pagtitiyak ng DOE official, nagpapatupad sila ng regular monitoring sa sitwasyon.
Hindi naman masabi pa ni Marasigan kung ano ang magiging sitwasyon ng grid bukas, depende raw kasi ito sa magiging kondisyon ng planta.
Ipinaliwanag din ni Marasigan na hindi sabay-sabay ang pagpalya ng 19 na power generation plants, nangyari raw ito sa magkakaibang oras at dahil sa ibat ibang dahilan.
Kabilang dito ang mainit na panahon kaya nagbawas ng kapasidad ang ibang planta.
Ang iba naman anya ay Hydro power plants ang generation plants, at dahil bumaba ang lebel ng tubig, hindi kinayang makapag fully operate.
Ang iba naman ay patuloy na kinukumpuni kasunod ng nakitang problema sa naunang scheduled maintenance activity.
Nabatid na may nauna nang kautusan si Pangulong Marcos na dapat gawin ng mga ahensya ng pamahalaan ang lahat ng paraan para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa lalo na ngayong may El Niño.