Kinumpira ng Malacañang na nagpapatuloy ang paglikha ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng electronic version ng vaccination card.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa ngayon ay malapit na itong matapos at ang tanging kulang na lamang ay ang pagpasok sa database ng mga pangalan ng nakakumpleto na ng bakuna kontra covid-19.
Base aniya sa huling impormasyon, nasa 30 percent na ang na-upload na impormasyon ng mga fully vaccinated individuals sa electronic vaccination card.
Tiwala naman ang kalihim na matatapos at makukumpleto ang pag-uupload ng mga impormasyon sa lalong madaling panahon kaya inaasahang malapit nang magamit ang nasabing e-vaccination card.
Mababatid na sa ngayon ay isang physical covid-19 vaccination card ang ibinibigay ng bawat local government unit sa mga nabakunahan na.