Kumbinsido ang Department of National Defense na malaking dagok sa mga lokal na terorista ang pagkamatay nina NPA high ranking official Jorge ‘Ka Oris’ Madlos at Dawlah Islamiya leader Salahuddin Hassan.
Ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana patunay umano ang matagumpay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines na pursigido ito sa paghabol sa mga elemento na banta sa seguridad at kapayapaan sa Mindanao.

Ngayon patuloy ang paghina ng pwersa ng mga local terrorist, umapela si Lorenzana sa mga Pilipino na patuloy na suportahan ang nagpapatuloy na peace and development efforts ng pamahalaan.
Kasabay nito pinasalamatan naman ng Defense chief ang tropa ng AFP at PNP dahil sa matagumpay na operasyon.
Nabatid na napatay si Madlos kasama si NPA medic, Eighfel Dela Pena (alias Pika/Maui), sa isang engkwentro sa Sitio Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasugong, Bukidnon habang si Hassan ay nasawi sa isang engkwentro sa Maguindanao noong Biyernes.