Pagkamatay ng apat na nursing home patients sa isang bodega sa kasagsagan ng Hurricane Ida pinaiimbestigahan

Nakatakdang imbestigahan ng Louisiana’s Attorney General ang pagkamatay ng 4 sa nursing home patients na pansamantalang inilikas sa temporary facility bilang pre-emptive measure sa paghagupit ng Hurricane Ida.

Ipinaliwanag ni Attorney General Jeff Landry na layon ng imbestigasyon na matukoy kung sino ang nagpasyang ilipat ang mga pasyente sa sinasabing hindi akma at hindi ligtas na pasilidad para sa kanila.

Una kasing tinukoy na isang bodega ang gusaling ginamit na temporaty facility.

Napag-alaman na sa inisyal na ulat, nasa 300 hanggang 350 na tao mula sa iba’t ibang nursing homes ang dinala sa nasabing pasilidad pero nadiskubreng umabot sa 800 tao ang nasa loob nito.

Nangako naman si Governor John Bel Edwards na magkakaroon ng full investigation sa nasabing isyu kasabay ng pag-amin niya na maging siya ay walang duda noong una na maayos ito para sa mga ililikas na pasyente.