CAMARINES NORTE- Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na malaking tulong ang pagkakabuo ng mga Fisheries Management Areas (FMAs) para magkaroon ng maayos na pamamahala sa mga pangisdaan sa bansa.
Sa bisa ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 263 o “Establishment of Fisheries Management Areas noong Pebrero 2019 ay nagkaroon ng tinatawag na science-based, participatory and transparent governance framework and mechanism.
Nakaangkla ito sa seguridad ng pagkain at karagdagang kabuhayan para sa pagpapagaan ng kahirapan sa mga pangisdaan.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam ipinaliwanag nito na layon ng pagkakabuo ng FMA na magkaroon ng tinatawag na wholistic approach sa implementation ng mga batas na magpo- protekta sa mga fishing grounds.
Kasama ang Camarines Norte sa FMA 1 nakakasakop sa mga karagatan mula Catanduanes hanggang dulong Hilagang Luzon.
Sa ngayon ayon kay Tiam ay nakabuo na nang management body ang FMA 1 at nagbabalangkas na rin ng mga polisyang ipatutupad.
Sa pamamagitan din ng pagkakabuo sa FMA ay tutulungan ng BFAR lalo ang mga LGU na walang kakayahan na magpatupad ng batas at kulang ang pwersa.
