CAMARINES NORTE- Muling ipagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) simula Marso 12 ng taong kasalukuyan ang panghuhuli at pagbebenta ng crablets o mas kilala sa tawag na “langaw- langaw.”
Sa panayam ng Brigada News FM Daet ipinaliwanag ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam na bawal naman talaga ang panghuhuli nito.
Pero Marso nang nakaraang taon nang pansamantalang suspendihin ang isang section ng Fisheries Administrative Order 264 at payagan ang panghuhuli at pagbiyahe ng langaw- langaw na may sukat na mas mababa sa 5 centimeters.
Magpapaso na ang isang taong suspension order ng implementasyon ng Section 3 ng naturang FAO epektibo sa Marso 11 kaya simula Marso a 12 ay bawal na muli ang panghuhuli at pagbiyahe nito.
Ani Tiam, kaya ipinagbabawal ang paghuli ng langaw- langaw ay dahil lumalabas sa mga pag- aaral na hindi na ito nabibigyan ng pagkakataong lumaki bunsod ng patuloy na panghuhuli at pagbebenta nito.
Ang walang habas na panghuhuli ng langaw- langaw at iligal na pagbiyahe nito ay magreresulta umano sa pagbaba ng bilang ng mga nahuhuling mature crabs.
“Ang worry po ng gobyerno natin baka dumating ang oras na wala nang mahuling alimango,” ani Tiam.
“Ang pinaka peak season niya ay February, pero yun nga po ang worry, base sa pag- aaral scientifically, na kung hindi po mare- regulate yung pagkuha nung mga maliliit na alimango, yung langaw- lngaw, kung hindi siya makokontrol, maaari pong dumating ang mga susunod na panahon na wala na po tayong makikitang mangrove crab.”
Ang ilang Local Government Units sa lalawigan tulad ng Daet, Vinzons at Barangay Catandunganon sa Mercedes ay mayroong ordinansa na nagbabawal sa panghuhuli at pagbebenta ng langaw- langaw.
Kaugnay nito ay umapela si Tiam sa publiko na tigilan na ang walang habas na panghuhuli at pagbebenta nito.
“Muli po ang aming panawagan tungkol po doon sa mga nanghuhuli, yung mga gatherer na tinatawag namin dun sa baba na ito po ay pinagbabawal, ipagbabawal na muli ngayon sa March 12 ngayong 2022, na kung saan bawal na po ulit yung paghuli ng malilit na alimango yun pong bababa sa 5 centimeters.”
