CAMARINES NORTE- Inanunsiyo ng lokal na simbahan ng Diocese of Daet na maaari na uling gawin ang mga dating ginagawa noong bago mag pandemya tulad ng pagdaraos ng mga prusisyon sa Semana Santa na tatlong taon ding hindi nagawa.
Ito ang inihayag ni Bishop Rex Andrew Alarcon sa naging panayam ng Brigada News FM Daet pero kailangan pa rin umano ang ibayong pag- iingat.
Hinikayat nito ang mga dadalo sa misa at sasama sa prusisyon na magsuot pa rin ng face mask lalo na ang mga walang bakuna kontra COVID- 19 at ang mayroong comorbidities.
Ayon kay Alarcon maituturing umanong nasa post pandemic na ang panahon ngayon pero may mga bagay pa rin aniyang hindi pa pwedeng gawin.
Tulad na lamang umano ng paghalik sa krus para sa Veneration of the Cross sa Biyernes Santo at ang pagtanggap ng komunyon sa bibig.
Aniya, bagamat may paisa- isa nang tumatanggap ng komunyon sa bibig, ang sinusunod pa rin umanong panuntunan sa ngayon ay ang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng kamay.
Kung maalala ay hindi nagpalabas ng guidelines ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ngayong taon sa halip ay ipinaubaya ito sa pagpapasya ng local ordinary.
Batay sa tradisyun ng mga katoliko may ilang prusisyon ang ginagawa tuwing Semana Santa.
Sa Palm Sunday kung saan ginugunita ang maringal na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem at ang prusisyon ng mga santo.
Kapag Miyerkules Santo ay ang prusisyon ng pagpapakasakit ni Jesus at sa Biyernes Santo naman ay ang prusisyon ng paglilibing at sa gabi ay ang Soledad.
Mayroon ding prusisyon sa madaling araw o umaga ng Linggo ng Pagkabuhay.
