Nanindigan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na walang magiging paglabag sa Data Privacy Act ang pagimbestiga sa mga kahina-hinalang financial transaction bago ang Mayo 2022.
Paliwanag ni AMLC Executive Director Atty. Mel Georgie Racela batay sa opinyon ng National Privacy Commission noong 2017, ay maaaring silang mag-imbestiga sa mga transaksyong pinansyal dahil bahagi ito ng mandato ng AMLC.

Magugunitang naglabas ang AMLC ng advisory dahil sa posibleng pagtaas ng digital financial transactions sa panahon ng halalan.
Pinaalalahan sa advisory ang mga opisyal ng mga bangko at mga electronic money issuer (EMIs) na huwag magpabaya sa kanilang mga responsibilidad sa pag-uulat ng mga kaduda-dudang transaksyon sa mga awtoridad.
Tumanggi naman si Racela na ibunyag kung ang council ay nakatanggap na ng mga ulat ng mga posibleng financial transaction na may kaugnayan sa halalan tulad ng pagbili ng boto o pagbebenta ng boto.