BICOL—Puspusan ang vaccination rollout laban sa COVID-19 sa bayan ng Camalig, Albay para sa target na maabot ang herd immunity.
Ayon kay Mayor Caloy Baldo, upang maabot ito kailangan nilang mabakunahan ang 45,000 ng kanilang mga residente.
Parte ng kampanya ay dalhin sa mga barangay ang pagbabakuna lalo na sa mga senior citizen upang mas mapabilis ang vaccination rollout.
Sa gitna nito ay magpapatuloy pa rin ang nakapwestong vaccination center partikular ang nakalatag sa Camalig National High School sa Brgy Ilawod na siyang main vaccination center sa bayan.
Upang maiwasan ang siksikan at mapanatili ang pagsunod sa health protocol, hinati sa anim na sections ang nasabing vaccination center.
Mayroong waiting area, registration area, health education and final consent area, vital signs and health assessment/screening area, vaccination area, at post-vaccination monitoring area.
Ang kabuuang proseso sa pagbakuna ay inaabot ng halos isang oras kada vaccinee.
Samantala, patuloy din ang monitoring ng lokal na gobyerno sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa pamamagitan ng regular na pag-iikot ng MDRRMO sa mga satellite markets at commercial districts sa bayan.
Ipinapaalala ng team ang tamang pagsulot ng face mask sa mga pampublikong lugar alinsunod sa Municipal Ordinance 15 s. 2021.
Ang bayan ng Camalig ay nakapagtala ng tatlong indibidwal na tinamaan ng Delta variant kan COVID-19 subalit base sa pinakahuling update ng Municipal Health Office nakarekober na ang mga ito.### || slm