SORSOGON CITY – Hindi pa mapagbibigyan ng Provincial Health Office (PHO) – Sorsogon ang kagustuhan ng mga nasa A4 category na magpabakuna.
Ito ay sa kabila na ang nasabing kategorya ang may pinakamaraming bilang ng mga indibidwal na gustong magpabakuna sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Renato Bolo Jr., hindi kasi kabilang ang lalawigan sa mga pinapayagan ng Department of health (DOH) na magbakuna sa A4 category dahil kumpara sa ibang mga lalawigan sa rehiyon tulad ng Camarines Sur at Albay ay mababa lamang o nasa low risk ang kategorya ng Sorsogon pagdating sa mga kaso ng COVID-19.
Hiniling din ng opisyal sa mga nasabing kategorya na unawain muna ang kasalukuyang sitwasyon kung saan prayoridad nila ang mga nasa A2 at A3 categories.
Tiniyak rin nito na oras matapos na sila sa pagbabakuna sa nasabing mga kategorya ay isusunod na nila ang mga nasa A4.
Una rito, nagpapatuloy pa rin ang vaccination para sa mga nasa A1, A2 at A3 kung saan marami pa sa mga ito ang nagpalista matapos na magbago ang isip.

