CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office (PHO) ng Camarines Norte na posibleng masimulan anumang araw mula ngayon ang pagbabakuna kontra COVID- 19 sa mga 12- 17 anyos.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na mayroon nang advisory ang Department of Health ukol dito pero may mga dapat pang ayusin.
Tulad na lamang umano sa pagbibigay prioridad sa mga may comorbidity at ang catch- up vaccination na ginagawa ngayon.
Paliwanag ni Francisco na ang sumasailalim sa catch- up vaccination ngayon ay ang age bracket na 12- 13 anyos kaya’t uunahin munang ibakuna ang regular vaccine at pagkatapos ng 14 na araw ay saka pa lamang sila pwedeng tumanggap ng COVID- 19 vaccine.
Maliban dito may mga gagawin pang orientation at training sa reporting dahil hindi kasali sa naunang orientation ang data reporting sa mga edad 12- 17.
Ayon pa kay Francisco minamadali rin nila ngayon ang line list ng mga may comorbidity lalo’t hindi ito basta binabakunahan sa vaccination site kundi sa mga ospital.
Kailangan din umano ang consent ng magulang at dapat itong samahan sa vaccination site.
“Kasi ang co-morbid siyempre ayaw namang bakunahan ng mga MHO yung mga co- morbid na 12- 17 kaya ang co- morbid pwede vaccinated sa mga hospital like for example itong Provincial Hospital and other Private Hospital na mayrong pediatric services ano, so doon babakunahan yan tapos isusunod na natin sa mga RHU or dun sa mga ibang facility ang mga walang comorbid para tuloy- tuloy,” ani Francisco.
“Madaling sabihin pero pag tiningnan mo yung requirements, yan po ay kasama dapat ang kanilang parents or guardians meron [ong counseling may interview, may consent o may waiver at marami pong dinagdag silang mga requirements para mabakunahan ang isang bata po.”
Matatandaan na sinimulan ang Pediatric Vaccination noong November 5 kung saan tatlong DOH hospital sa rehiyon ang itinalagang vaccination site.
