CAMARINES NORTE- Posibleng simulan na rin sa Bicol Region sa susunod na linggo ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga batang edad lima hanggang labing isang taong gulang.
Sa impormasyon mula sa Department of Health Bicol kung dumating umano ang bakuna ay sisimulan agad ang bakunahan sa mga bata na kabilang sa nabanggit na age group.
Sa ngayon ay nagkakaroon na ng pilot implementation sa National Capital Region at sa iba pang malalaking lungsod na nagsimula noong Pebrero 7.
Ayon naman kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola mayroong mga paghahandang kailangang gawin dahil hindi naman umano dapat biglain ang mga bata.
Kailangan din umano silang i- assess at ipaunawa sa mga ito ang kahalagahan ng pagbabakuna.
Umapela naman si Iraola sa mga magulang na huwag magpadala sa maraming nagbibigay ng komentaryo tungkol sa bakuna.
Binigyang diin nito na ang bakuna ay mahalagang proteksyon sa kalusugan upang maiwasan ang pagkakasakit.
