Legazpi City- Inihayag ng Department of Health (DOH) Bicol na napakahalaga at kinakailangan parin ng lahat ng mga bakunado ang booster doses sa lalong madaling panahon.
Ayon sa Bicol Regional Medical Coordinator ng National Immunization Program na si Dr. Monrey Isaiah Mancilla nakita sa pag-aaral ng mga eksperto na bumababa sa 88% ang effectivity ng ilang bakuna matapos ang isang buwan pagkakuha ng 2nd dose habang ang ibang bakuna naman ay bumababa sa 74% ang pagiging epektibo matapos ang 5-6 na buwan.
Aniya ang tanging paraan upang muling mapataas ang effectivity ng bakuna ay sa pamamagitan ng pagkuha ng booster doses.
Dagdag pa nito base sa pag-aaral nakitaan ng pagtaas ng anti-bodies o lebel ng proteksyon ang mga mayroong booster doses na epektibong panlaban sa iba’t ibang variant ng Covid-19.
Samantala ayon naman sa DOH Bicol, maaari magpabakuna ng booster doses ang mga indibidwal edad 18 taon pataas kung nakalipas na ang tatlong buwan mula sa kanilang second dose (para sa primary two-dose vaccine), o dalawang buwan naman mula sa single-dose ng Janssen.
Hinihikayat ng ahensya ang lahat ng 18 taong gulang pataas na magpabooster dose kahit pa anya hindi ito required upang mas mapataas pa ang proteksyon laban sa Covid-19 virus.