CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office (PHO) na regular nang dadalhin sa kada Barangay ng Camarines Norte ang pagbabakuna kontra COVID- 19.
Sa panayam ng media, sinabi ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na mayroong “marching order” si Governor Edgardo Tallado na sumama na rin ang COVID- 19 vaccination team ng PHO sa pagsasagawa ng Ayuda sa Pandemya upang magbakuna sa mga barangay na pupuntahan ng programa.
Ang bagay umanong ito ay napagkasunduan na rin nila ng Department of Health (DOH).
Nais kasi ng probinsiya na mapabilis ang pag abot sa target na 440,000 indibidwal o 70% ng populasyon na mabakunahan.
Maliban dito, maging sa mga araw ng Sabado at Linggo ay magpapatuloy ang pagbabakuna ng PHO, katuwang ang mga Rural Health Units (RHUs) at PNP.
Sa Sabado ay magtutungo ang vaccination team ng PHO sa mga piitan para magbakuna ng second dose gayundin sa mga tertiary schools.
Personal din umanong lilibutin ni Francisco ang mga RHU sa gagawing tatlong araw na National Vaccination Drive mula November 29 hanggang December 1.
Muli namang umapela si Francisco sa publiko na patuloy na sundin ang minimum public health standard para sa proteksyon ng komunidad kahit pa nga patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.
