Pacquiao (146 lbs), Ugas (147 lbs) sa official weigh-in sa Las Vegas

Kapwa pasok sa itinakdang timbang sa welterweight division ng World Boxing Association sina Filipino boxing champ Manny Pacquiao at Yordenis Ugas ng Cuba sa isinagawang official weigh-in na ginanap sa MGM Grand Arena.

Tumimbang si Pacman ng 146 pounds habang mas mabigat naman si Ugas ng bahagya na nagtala ng 147 pounds sa official scale.

Ayon kay Manny hindi niya minamaliit ang laban kay Ugas at umaasa itong mabibigyan ng magandang boxing match ang mga fans bukas.

Sinabi naman ni Ugas na nirerespeto niya si Pacquiao bilang fighter subalit isasantabi niya muna ito sa kanilang paghaharap sa ibabaw ng ring.

Paglalabanan ng dalawa ang World Boxing Association super welterweight belt na hawak ngayon ng Cuban fighter.

Samantala, tampok naman sa co-main event ang Filipino boxer na si Mark Magsayo kung saan tumimbang ito ng 125.5 pounds habang ang kanyang katunggali na si Julio Ceja ng Mexico ay nasa 125 pounds din isang araw bago ang kanilang featherweight bout. (LEY BAGUIO)