KORONADAL CITY – IDINEKLARANG invalid ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang municipal ordinance no.189 series of 2024 ng bayan ng Banga. Unanimous ang decision ng mga SP members kaugnay sa nasabing ordinansa.
Nakasaad sa municipal ordinance ang paglimita sa bilang ng ilalagay na mga Small Town Lottery o STL outlet sa bayan ng Banga kung saan mula sa 136 na mga booths, dalawa na lamang ang papayagang mag-operate.
Una nang inihayag ni Board Member Henry Ladot, chairman ng Committee on Games and Amusement ng SP na walang kapangyarihan ang LGU na limitahan o iregulate ang bilang ng mga STL outlet sa isang lugar batay sa Republic Act 1169 o An Act Providing for Charity Sweepstakes, Horse Races and Lotteries.
Ultra vires din umano ang ilang probisyon ng ordinansa. Sa ngayon, hinihintay pa ang susunod na hakbang ng LGU Banga matapos ang inilabas na desisyon ng Sangguniang Panlalawigan.
