LEGAZPI CITY – Pinaaalalahanan ng Security and Exchange Commission Bicol ang publiko na maging alerto at mag-ingat laban sa mga nauuso na namang advance fee scams online.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay SEC Bicol Regional Director Norma Tan Olaya, ipinaliwanag nito na ang advance fee scams ay isang uri ng scam kung saan mayroong online lending applications and sites na nag-ooffer ng loans sa mga nais mag-utang, at kukumbinsihin nila ang mga borrower na sila’y makakatanggap ng loans pero kinakailangan muna nilang magbayad ng kung anu-anong fee.
Sinabi pa ni Olaya, ang mga apps o kompanyang ito, gumagamit din ang identity na SEC-registered upang makapambiktima.
Sa ngayon, wala pa naman silang natatanggap na reklamo o affidavit sa kanilang opisina ukol sa bagay na ito.
Ayon pa sakanya, kinakailangan talagang mag-ingat at sa halip na basta-bastang maniwala sa mga natatanggap na mensahe sa mga online loan application, mas mainam kung i-verify muna ang legitimacy nito.