LEGAZPI CITY – Nilooban ang Municipal Treasurers Office ng Guinobatan, Albay kung saan natangay ang perang nagkakahalaga ng mahigit P75k.
Sinabi ng pulisya na personal na nagtungo sa Guinobatan MPS ang Treasurer Admin Aide 6 ng naturang opisina na si Marilyn Oblita Rosales, 58 anyos at residente ng P-3, Brgy. Bubulusan ng nasabing bayan upang ireport ang nasabing insidente.
Ayon sa report, bubuksan na sana ng biktima ang cashier drawer nang makita niyang naka-unlock na ito at nawawala na ang pera.
Nakapasok umano ang suspek sa likod ng pinto ng opisina at sinira nito ang doorknob ng backdoor.
Nang makapasok ang suspek ay sinira rin nito ang sliding bolt sa pamamagitan ng pagbutas ng plywood door gamit ang stainless spoon bilang improvised tool at dito na tinangay ang nasabing halaga ng pera.
Napag-alaman ding ang nasabing opisina ay walang functional CCTV na maaaring suriin upang makilala ang mga suspek.
Humiling na rin ang mga tauhan ng PNP ng CCTV footage mula sa kalapit na establisyimento na maaaring nakuhanan ang pangyayari.
Nagpapatuloy pa rin ng ginagawang imbestigasyon ng Guinobatan MPS ukol sa insidente.
Nagsagawa rin sila ng mga panayam sa biktima at mga saksi para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.