Operasyon ng e-sabong, hindi maapektuhan ng imbestigasyon sa nawawalang sabungeros – Palasyo

Binigyang diin ng Palasyo na ipinag-utos na sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga kaso ng mga nawawalang sabungeros.

Inihayag ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang memorandum na may petsang March 8, 2022 matapos hiligin ng Senado sa Malacañang na iutos ang pagsuspinde sa lisensya ng online sabong operations o e-sabong.

Ayon kay Medialdea, magpapatuloy ang operasyon ng e-sabong licensees maliban na lang kung magkakaroon ng panibagong direktiba, habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon.

Read More:  Labor group pushes ‘no work, no pay’ rule in Senate

Sa ilalim rin ng memo ni Medialdea ay inatasan nito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na imbestigahan ang mga paglabag sa mga inisyu na e-sabong o online sabong licenses at tiyakin ang compliance ng mga ito sa security and surveillance.

Ipinunto ni Medialdea na dapat ay alinsunod ito sa Regulatory Framework kung saan ay kailangan ng e-sabong licensees na magpakabit ng CCTV systems sa kanilang gaming sites.

Read More:  Ex-DBM chief Pangandaman charged over PhilHealth fund transfer

Matatandaan noong Miyerkules ay sinabi ng PNP na maghahain ito ng mga reklamong kidnapping at serious illegal detention laban sa anim na security personnel ng isang sabungan, na pinaniniwalaang sangkot sa pagkawala ng anim na sabungeros sa Manila Arena.

Ang mga nasabing reklamo ay para sa pagkawala nina Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, Rowel Gomez, at John Claude Inonog noong January 13.