Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang paggamit ng Database System on Children sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Local Council for the Protection of Children (LCPC).
Kaalinsabay ng naturang aktibidad ang pagsasagawa ng training sa mga City/Municipal Social Welfare and Development Officers at Focal Officers for Children kaugnay sa paggamit sa naturang sistema.
Pinangunahan ito nina PSWD Officer Lucila Ambatali at Local Council for the Protection of Children (LCPC) Officer Gina Rivero.
Layunin umano ng nasabing training na mabigyan ng kaalaman ang mga C/MSWDO sa pagbuo ng automated stable monitoring at reporting system upang makagawa ng reliable, comprehensive at timely na datos na magiging basehan sa paggawa ng plano na tutugon sa child-friendly policy, mga programa at serbisyo.
Tiniyak naman ni Committee on Children’s Affairs Chairman SP Clifford Raspado ang suporta sa naturang polisiya upang mapangalagaan ang mga kabataan sa probinsya.
Ipinaliwanag naman ni Social Welfare Database (SWDB) System Developer Perry Grace Agraviador kasama ang kapatid nito na si Perine Agraviador kung papano mag-log-in, kumonekta, at maglagay ng data at makapag-generate ng report sa system.
Mas mainam umano ito na gamitin kumpara sa tradisyunal na nakasanayan.
Ayon naman kay Social Welfare Officer Lorena Batoon, na kapag mag-iinterview na sila ng mga kliyente sa mga batang nangangailangan ng special protection ay mas mapapadali na dahil ipapasok na lamang lahat ng data sa site SWDB.
Sa oras na kailanganin ng Women and Children Protection Officer at mga imbestigador ay ipapadala na lamang ito sa pamamagitan ng e-mail.
Ayon naman kay SK Provincial Federation President Dax Paolo Binag na patunay ito ng progreso at pagbabago ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mas magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Photo/ Isabela PIO