Nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 25 na katao na close contact ng dalawang indibidwal na dumating sa bayan ng Naguilian at napag-alaman na hindi umano dumaan sa tamang proseso.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, ang hepe ng Naguilian Police Station, sinabi niya na dumating ang naturang dalawang personalidad sa bayan noong July 8, 2021 sakay ang uniformed service.
Aniya, galing umano sa Mindanao ang dalawang indibidwal na kinabibilangan ng isang babae at lalaki subalit hindi nag-secure ng certificate of acceptance at hindi rin umano sumailalim sa triage pagdating sa Naguilian.
Sinasabing taga-Naguilian din ang isa at namasyal sila sa iba’t-ibang lugar ng bayan.
Noong July 17, 2021 ay sumailalim sila sa swab test dahil kailangan umano nila ito sa kanilang biyahe pabalik ngunit nakupirmang positibo sila sa naturang virus.
Dahil dito ayon kay PMaj. Villanueva ay agad umanong nagsagawa ng contact tracing ang mga health workers at kumpirmadong positibo rin sa COVID-19 ang nasa 25 na kanilang nakasalamuha.
Sa ngayon ay na-contain naman na umano ang sitwasyon at naka-isolate na ang mga nahawaan maging ang dalawang indibidwal.
Kaugnay nito ay sinabi ni PMaj. Villanueva na isinampa na nila ang kasong paglabag sa paglabag sa RA11332 laban sa dalawa dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad na health protocols sa naturang bayan.
Nanawagan naman ang hepe sa mga residente at sa mga dumarating sa lugar na mahigpit na sundin ang mga umiiral na panuntunan kasabay ng pagtitiyak na paiigitingin pa nila ang kanilang pagbabantay upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.