Binuksan na ng Commission on Election Isabela ang online reactivation kung saan maaaring bumisita sa website ng Comelec ang mga dating botante na nadeactivate ang kanilang account dahil hindi nakaboto sa 2 regular elections.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Atty. Manuel Castillo Jr., Isabela Election Supervisor, eksklusibo lamang ang online reactivation sa mga botante na may papalitan sa kanilang information, mga magtatransfer at mga gustong i-update ang kanilang record kung sila ay senior citizen na, PWDs at PDL.
Aniya, hindi pwede ang online reactivation sa mga first time voter dahil wala pang biometrics ang mga ito sa local database ng Comelec.
Kinakailangan din aniya na mayroong stable na internet connection ang applicant at local Comelec offices para sa isasagawang video conference upang iberipika na tama ang mga dokumentong ipinasa.
Ayon pa kay Atty. Castillo, sa mga gustong magreactivate ay magtungo lamang sa Comelec.gov.ph/?r=VoterRegistration/ApplicationsForms at maaaring tignan sa Comelec Region 2 ang mga steps para sa reactivation.
Samantala, hinikayat din niya ang mga hindi pa nakakapagparehistro na magtungo na sa mga local Comelec office sa October 11-30, 2021 at huwag na aniyang hintayin pa na matapos ang deadline.