Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko laban sa masamang epekto ng oil spill sa kalusugan.
Ito ay kasunod ng paglubog ng dalawang tanker sa karagatan na sakop ng Bataan noong nakaraang linggo.
Sa abiso na inilabas ng kagawaran, maaring makaapekto ang oil spill sa kalusugan sa pamamagitan ng paglanghap, physical contact, at paglunok.
Ilan sa mga negatibong epekto nito ay ang iritasyon sa mata, pagtaas ng blood pressure, iregular na pagtibok ng puso, pananakit ng ulo, kawalan ng gana sa pagkain, iritasyon sa balat, dermatitis, pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan, pag-ubo, pagkamayamutin, at kawalan ng malay.
Upang maiwasan ang mga ito, pinayuhan ng DOH ang mga LGU na maglagay ng mga warning sign sa mga apektadong lugar at dapat ding tiyakin ng publiko na malinis ang kanilang inuming tubig at pagkain.
Kung sakali mang makaranas ng anumang sintomas mula sa pagkaka expose sa oil spill ay agad na komunsulta at humingi ng tulong medikal mula sa pinakamalapit na health facility at healthcare professionals.