LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy ang pagpapaabot ng tulong ng Office of Civil Defense (OCD) sa mga apektadong residente sa lalawigan ng Albay dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Kung matatandaan, nauna na ring natanggap ng lalawigan ang mga supply mula kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. at NDRRMC Executive Director Undersecretary at OCD Administrator Ariel Nepomuceno.
Nakapagpadala na ang OCD ng N-95 face masks, family food packs, mga tarpaulin rolls, hygiene kits, potable water filtration units, pelican cases, at water filtration truck sa lalawigan upang makatulong sa mga residente.
Ayon sa ahensya, kung susumahin, nakapagbigay na sila ng aabot sa halos PHP13M halaga ng tulong sa lalawigan, ito ay tumaas kumpara sa PHP9M na halaga ng tulong na una nilang naipamahagi.
Sinabi naman ni Teodoro, upang mas maging mabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan lalo na sa mga hindi inaasahang sitwasyon, dapat na magkaroon ng kooperasyon at koordinasyon ang mga ahensya ng gobyerno.