Patuloy na nakikipagtulungan ang National Water Resources Board (NWRB) sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para matiyak na hindi magkakaroon ng water shortage o kakulangan sa suplay ng tubig sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa paghahanda ng mga balon at irigasyon kung sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig sa bansa.
Ang hakbang daw na ito ay bahagi ng “Water Management Program” ng NWRB at MWSS upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino sa tubig.
Kasabay nito, nanawagan naman si David sa publiko na gamitin ng tama ang tubig at huwag aksayahin upang makatulong sa pag-iwas sa water shortage.
Samantala, sa kabila ng mga nararanasang pag-ulan, iniulat din ng NWRB na nananatiling nasa below critical level ang tubig sa Angat Dam.
Ipinaliwanag ni David na kahit pa tumaas nang bahagya ang lebel ng tubig sa naturang dam, kulang pa rin daw ito sa kanilang inaasahang sukat.
Sa ngayon, nasa 177.93 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam na mas mababa umano noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
#