Bagama’t hindi pabor, umaasa pa rin ang isang infectious disease expert na magiging matagumpay ang ginagawang trial run ng Cebu City LGU kaugnay sa boluntaryong pagsusuot ng facemask sa mga outdoor places.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante na sana raw ay hindi magkaroon ng malaking epekto pagdating sa bilang ng covid-19 cases ang ginawang hakbang na ito ng Cebu City.
Hindi sana aniya dumami ang mga severe at critical cases ng covid-19 sa naturang lugar lalo na sa buong bansa.
Iginiit ni Dr. Solante na hindi siya pabor sa polisiyang ito ng Cebu City, lalo na’t nandiyan pa rin aniya ang Omicron variant at patuloy pa rin ang local transmission ng virus.
Muli niyang binigyang diin na kung mayroon mang pinakahuling polisiya ang tatanggalin ng gobyerno, ito ay ang health protocols kabilang na ang pagsusuot ng facemask, outdoor man o indoor.
Mababatid na batay sa anunsyo ng Cebu City LGU, tatagal hanggang December 2022 ang kanilang trial run pagdating sa optional na pagsusuot ng facemask.
Iba pang mga LGU, pupwedeng gayahin ang polisiya ng Cebu City ukol sa pagsusuot ng facemask, ngunit hindi pa sa panahong ito ayon sa isang ekspeto
Inihayag ni Solante na pupwedeng gayahin ng iba pang mga local government units ang polisiyang ipinatutupad ngayon ng Cebu City na boluntaryong pagsusuot ng facemask, ngunit hindi pa aniya ito ang tamang panahon.
Aniya, may mga metrics na dapat sundin o ikonsidera ang bawat LGU sa bansa kagaya ng bilang ng mga kaso ng covid-19 kasama na ang positivity rate at lalo’t higit aniya ang booster vaccination rate bago makarating sa usapin ng pagiging optional ng pagsusuot ng facemask.
Ayon kay Dr. Solante, kung hahayaan na magpatupad ang mga LGU ng ganitong hakbang, magiging kampante na ang publiko sa covid-19 at hindi na nila lalo maiisip ang magpa-booster shot.
Aniya, dapat iwasan ng mga tao ang pagsasabi o pagiisip na wala na ang pandemya dahil marami pa rin aniya sa ngayon ang mga na-o-ospital lalo’t higit ang mga pasyenteng vulnerable sa sakit.
Pinayuhan naman ni Solante ang mga LGU na nagnanais na sumunod sa yapak ng Cebu City LGU na kung maaari ay makipag-ugnayan o sumangguni muna sa mga eksperto lalo’t higit sa Department of Health (DOH) bago gumawa ng mga ganitong uri ng hakbang.
#