Unanimous umanong nagkasundo ang National Unity Party (NUP) na i-endorso si House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na maging susunod na Speaker ng Kamara de Representantes sa 19th Congress.

Si Romualdez ang presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), at pinsan ng leading presidential candidate na si dating senador Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay NUP spokesman Reginald Velasco, nakita nila ang mahusay na pamumuno ni Romualdez sa pagiging majority leader sa matatapos na 18th Congress.
Kaugnay nito, subok na umano na kayang pag-isahin ni Romualdez ang magkakaibang partido.
Inihayag din ni Velasco na kabilang ang NUP sa magiging pinakamalaking political parties sa 19th Congress sa dami ng mga kapartidong nanalong kongresista sa katatapos na halalan.