SORSOGON CITY – Nakilala na ang isang miyembro ng rebeldeng grupong NPA na nasawi sa naganap na engkwentro, umaga noong Pebrero 8 sa bayan ng Esperanza, Masbate.
Kinilala ito ng mga awtoridad na si Richard Bua Mendoza, 36-anyos, may asawa, magsasaka at naninirahan sa Brgy Magsaysay ng nasabing bayan.
Ang mga labi ni Mendoza ay narekober ng tropa ng pamahalaan matapos ang 15 minutos na palitan ng putok sa hukbo na kinabibilangan nito, nang magkasagupa ang mga ito sa nasabing barangay habang nagsasagawa ng internal security ang mga awtoridad.
Sa nasabing engkwentro ay narekober ang isang KG9 na rifle na kargado ng 10 bala, isang hand grenade at launcher grenade, 7 bala para sa M16 rifle at 20 pirasong cartridge nito at iba pang gamit sa pampasabog.
Sa kaugnay na balita, dalawang FRs o former rebels na nagbalik loob sa gobyerno at mula sa bayan ng Mandaon, Masbate ang nabigyan ng bahay ng pamahalaan.

Ang libreng pabahay ay naaayon sa programa sa EO No. 70 ng Pangulo para mabigyan ng panibagong pagkakataon at magkaroon ng sarili at maayos na tirahan ang mga dating rebelde at pamilya nito.
