Narekober ng kasundaluhan ang ilang baril matapos makasagupa ang mga miyembro ng NPA sa bahagi ng Sitio Salong, Brgy. Tanglagan, Gattaran, Cagayan nitong umaga ng December 7, 2021.
Sa ipinabatid na impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan mula sa 5th Infantry Division ng Philippine Army, habang nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo ng 77th Infantry Battalion sa naturang lugar nang bigla umano silang pinaputukan ng limang kasapi ng NPA sa ilalim ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Agad nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng mahigit limang minuto kung saan tumakas ang mga rebelde patungong timog-silangang direksyon.
Mapalad namang walang naitalang sugatan sa panig ng pamahalaan habang bineberipika pa sa panig ng rebelde.
Nakumpiska rin sa encounter site ang isang carbine at dalawang springfield rifle (7.62mm) na pagmamay-ari ng mga nakasagupang NPA.
Kaugnay nito, tiniyak ni 77th IB Commander LtCol. Joeboy Kindipan na laging nakaalerto ang kanilang hanay sa anumang nakaambang panganib laban sa mga mamamayan.
Mananatili aniya ang kanilang pagtupad sa sinumpaang tungkulin na protektahan ang publiko.
Nagbabala naman si BGen. Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi titigil ang kasundaluhan upang masugpo ang insurgency.
Handa aniya sila na tumanggap ng mga nais magbalik-loob sa pamahalaan subalit ibang usapan umano kung magpapatuloy pa rin ang mga ito sa paghahasik ng karahasan sa Cagayan.
Photo/5ID