Posible umanong makapagtala ang Pilipinas ng nasa 15,000 bagong COVID-19 cases kada araw dahil aabutin ng pito hanggang 10 araw para makita ang bisa ng lockdown.
Ito ang sinabi ni Dr. Rontgene Solante, chairman ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine unit ng San Lazaro Hospital matapos na sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na inaasahang magiging iibo ang active COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) kahit na mayroong dalawang linggong mahigpit na community quarantines.
Ayon kay Solante, tumataas na rin ang COVID-19 cases sa mga nasa early 30s hanggang 40s ngayong ipinunto ng mga eksperto na posibleng ang Delta variant ang nasa likod ng pagtaas ng COVID-19 cases.
Gayunman, nakapagtala rin umano ang San Lazaro Hospital ng pagtaas ng kaso sa mga mas batang age group.
Aniya, napag-alaman din ng ilang ospital na mataas ang tsansang makakuha ng severe infection ang mga di bakunado laban sa COVID-19 kumpara sa mga nabakunahan na.
Dahil sa mga datos, mula sa 8,000, umabot na sa 11,000 ang mga kaso ng COVID-19 kada araw at pwede pa itong umakyat pa.
Mababatid na kahapon ay naitala ng bansa ang 11,021 bagong kaso ng COVID-19, pinakamataas simula April 11, 2021.
Ito ay dalawang araw matapos isailalim ng pamahalaan ang Metro Manla at iba pang probinsya sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng Delta variant.